Les Misérables
i believe its only fitting to rewatch this (martial law)
hindi totoo ang maykapal. hindi totoo ang pananalig. ang pagmamahal na mula sa hinanakit—hindi ito banal. apoy ito. nag-aalab na sandata. kung susumahin, ito na lang ang natitirang totoo. at anong damdamin ang sinasabi nilang magbubuklod sa buong nayon? samantalang ang bawat isa at may kani-kaniyang hukay, may kani-kaniyang dasal na hindi na rin alam kung para kanino pa.
tangina, pang-ilan na ba ito? nawala na ako sa bilang. hindi na ako nagtatala. walang saysay ang pagbilang kapag ang patay ay hindi na iniluluha, kundi inaasahan.
noon, may nagsabi—kapag may lumisan, nagiging tala ito; magiging gabay tuwing hindi mo na alam kung saan ka patungo.
sa tuwing tumitingala ako, wala akong nakikita kundi ang malamig na bilang ng bituin sa langit; pagod na rin ba sila? nawawalan na rin ba sila ng kaliwanagan? nagsawa na rin ba sila sa katahimikan?
marahil ang tanging kinang na iyon ay hindi liwanag kundi pilit na pag-alala sa mga wala nang lakas magliwanag.
ang sabi, kapag bumoses ka ay may makikinig sa’yo. na ang sigaw ay sandata, at kapag pinagsama-sama, ang buong bayan ang yayanig. pero ilang taon na tayong sumisigaw; ilang taon na tayong naglalakad sa mga lansangang puno ng bangkay. ilang taon na tayong naghihintay pakinggan. pero walang gumagalaw. walang nakikinig.
kuro-kuro na lamang ba ang pakikibaka?
may nagsabi rin—ang dagat ay daan patungong langit. ngunit ilang ulit ko nang nakita ang mga sumubok. ilang katawan na ang dinala ng alon—hindi pabalik, kundi pailalim. sila raw ang martir. sila raw ang nauna. ang katawan nila ay pilit hinanap ng mga naiwan, pero ang tanging bumabalik ay alaala at lamig.
hindi na sila dumating—walang kwento, walang alamat—nalunod lang nang tahimik.
malabo ang imahe sa ilalim ng tubig. bughaw na rin ang dugo ng mga biktima. ang katawan ay kasingsarap ng pamamahinga ngunit sinlamig ng pagkalimot.
nakikita ba nila ang liwanag, o ang apoy na?
at kung apoy nga—maaari bang subukan ulit nating sunugin ang balakid? kahit hindi sigurado kung galit, sugatan, o pareho.
tayo pa rin naman ang panibagong pagkakaisa, diba? hindi para magdasal—para lumaban. hindi para lumangoy sa karagatan ng mga bangkay—para ibalik ang sigaw sa bibig ng mga pinatahimik. hindi para maging tala—para maging gabay sa mga bituing nawalan ng kinang dahil tayo naman ang didilat. tayo naman ang hindi kailanman pipikit.
radikal ang magmahal. i hope your hope for a better system transcends your anger. if not, hate the world enough to change it, and love it enough to consider it worth changing.